Sunugin Ang Mga Sosyal










"Ma'am okay lang po ba kung sa harapan kayo, para po hindi mapaghiwalay sina ma'am at sir?"

Sabi ni ma'am okay lang.

"Ma'am pwede po ba kayong sumabay na lang sa amin sa bangka papunta sa daungan"

Sabi ni ma'am okay lang na kasama niya ang mga guides sa bangka imbes na ang mga tunay na pasahero.

"Eh Ma'am, sa kanila na lang po kayo sasabay, kasi kulang po sila ng isa."

"Walang problema!" Ang sabi ulit ni Ma'am

"Anyway ine expect ko na ito." Ang nasa isip ni Ma'am. "Wag ka nang mag-iinarte" ang sabi ng kanyang konsensiya.

"Ma'am during lunch time po, sa Daluyon po kayo tutuloy para kumain." Dito na super na nagtaka si Ma'am

"Eh bakit, sila saan sila kakain?" tanong nito sa guide...

Napasama sa isang grupo ng mga misyonaryo si Ma'am. Nagkataon na ang lugar na pupuntahan ng mga misyonaryong ito ay ang kanya ring pupuntahan. Kaya wala siyang magawa kundi ang humalibilo sa kanila at sa mga iba pang tao na papunta sa lugar na ito. Ngunit dahil mag-isa lang siya sa ganitong paglalakabay, no choice siya kundi sundin anuman ang kagustuhan ng mga guides na magdadala sa kanila sa mga bulubundukin at sa mga liblib na lugar ng Paradis'.

Tinanggap niya lahat ng ito. Hindi naman siya nag-inarte. Ngunit sa dami ng pinagawa sa kanya na mag-isa, ito ang hindi niya ma-take. Ang kumain mag-isa.

"Bakit naman kailangan ko pang humiwalay sa kanila?" Ang tanong nito sa guide.

"Eh kasi po, yun po ang ibinilin sa amin ng agency sa kapatagan. Na gawing espesyal ang inyong pagkain dito sa bulubundukin"

"Hmmm... espesyal hah..." maganda yun, kung espesyal. Ito ang nasa isip ni Ma'am.

Pagdating niya sa espesyal na kainan, na may mga espesyal na kubo, tumambad sa kanya ang napakagandang lamesa na may mga espesyal ngang kandila (tanghaling tapat). Nakasulat pa nga sa lamesa ang pangalan ni Ma'am na may nakalagay pang "Top Star."

"Uy, mukhang espesyal nga!"

"Hi Ma'am kamusta po kayo? kamusta naman po ang biyahe?" tanong ng mga taong nagbabantay sa espesyal na kubong iyon.

"Maayos naman, nakakapagod tsaka masaya" sagot nito.

"Eto po ang juice niyo"

Wow, ang ganda naman ng presentation" Sa isip isip ni Ma'am... this was supposed to be a special meal, pero this part is also what she hates. Ang mag balat-kayo. Lahat ng mga kasama niya sa grupo ay masayang nagsasalo sa isang buffet lunch, samantalang siya ay na-stuck sa isang napaka espesyal na fine dining restaurant. Pota, okay lang naman sana eh, kaya lang ang isinisigaw ng utak niya "I want my PEPSIIII!!!"

Tragis na buhay ito oo, squash soup... yun ang sumunod na inihain. Anong nalalaman niya sa squash soup na to. Pero in fairness masarap hah? Squash soup pa lang busog na siya. Biglang lumapit ang waiter sa kanya.

"Ma'am tapos na po kayo?"

Abah, hindi pa nga nakakalahati magtatanong kung tapos na? Sa isip niya lamang ang pang-aaping ito. Ngunit bigla niyang naalala sa napanood niya sa TV na kapag nasa ganuong klaseng restaurant siya, dapat wag niyang ipapahalatang patay gutom siya. "Eh langya naman, gusto kong itaas ang paa ko sa bangko. Di ako sanay na di nakataas ang paa pag kumakain." ang bulong nito sa sarili.

"Okay here, you can take it, I'm done" nag english na lang ang Ma'am para kahit papano'y irespeto ng mga waiter at mapanindigan niya ang pagiging sosyal... (kahit naman mukha siyang katulong). Buti na lang magaling uminglish ang lola...

Pagdating ng main course, natigilan siya. Hindi sa sarap ng pagkain kundi sa kung anong kubyertos ang gagamitin sa pagkain. "Langya naman oo. Bakit ko ba nakalimutan ang tinuro nung HE teacher namin sa mga kubyertong gagamitin sa pagkain?" Nalilito tuloy siya kung ano ang kanyang gagawin. Pinulot na lamang niya ang kutsara at tinidor na kakasya sa kanyang bunganga.

"Di naman pwedeng itong malalaking ito kasi di ko na maisusubo pagkain ko" bulong na naman nito sa kanyang sarili. Nagtataka na nga ang mga waiters dahil sa pakikipag-usap nito sa kanyang sarili. Medyo nawawala na nga sa tamang hulog ang kanyang utak.

Pagkaraan ng ilang minuto naubos na ni Ma'am ang kanyang pagkain. Habang nagsusulat sa kanyang diary napagkakamalan tuloy siyang food critique ng mga taong nandoon sa restaurant na iyon. Sulat naman lang siya ng sulat ng kung anu ano, parang nagti-trip lang ba. Hayaan mo na, para naman maiba ang image...

Sa wakas natapos rin niyang kainin ang kanyang pagkaing combination of grilled pork ang grilled salmon...

"Hmmmm... Sarap!" Masarap naman talaga ang food, at dumating na nga ang point na inayos na ng waiter ang kanyang kinainan. Ilang minuto lang ang lumipas, ay ihinain na ang kanyang dessert. At duon niya napagtanto na ang kubyertos na kanyang ginamit at pang - dessert. Natawa siya sa kanyang sarili at di niya napigilang mag mura "namputsa naman oo" sigurado pinagtatwanan na ako ng ma buwisit na waiters nato.

Pero okay lang yun, pati sarili ko nama'y pinagtatawanan ko rin.

Ito ang pinakaayaw ni Ma'am sa kanyang buhay ang mag-pretend na sosyal siya. Ang totoo kasi'y punong puno naman siya ng ka-shit-an at ka-bakya-an sa buhay. At wala na nga siyang ibang nasabi after ng kanyang lunch kundi....

"Hindi ako Special... Sinusunog ko ang mga sosyal!!!"

Comments

Ilyana said…
hahaha, sunugin ang mga susyal, lalo na ang mga nagpapasusyal lang na wala namang K...

good one..