Carlos

Minsa'y binigyan mo ng ngiti ang buhay ko

Pinaunawa mo sa puso kong bato
...na minsan okay lang maging mahina,
...na okay lang ang magmukmok,
...na okay lang ang pumunas ng luha

Pinilit mong buksan ang isip kong naging kulungan ng maraming pangamba.
Hinukay mo ang mga nakalibing na sama ng loob.
Ibinilad ang lahat ng kabuktutan at kahinaan.
Tinuruan mo akong harapin ang mga iyon...
Tinuruan mo akong labanan ang mga iyon.
Tinuruan mo akong maging malakas,
sa gitna ng mga bagyong humahampas
sa gitna ng pagkukunwaring ako'y malakas

Mga labi ko ngayo'y natutong umawit
Ng mga kantang, noo'y wala namang halaga
Binigyan mo ng himig ang bawat paglanghap ko ng hangin
Upang maisatinig ang mga itinatagong damdamin

Subalit ngayo'y nawasak ka na, Carlos...
Masakit na ako'y iniwan mo na lang bigla
Lumuha ako nang sobra, ako ngayo'y nagluluksa
Marami akong pangarap para sa yo, para sa atin...
Paano na ako ngayon? Sabihin mo sa akin...

paano na ang mga umagang pilit minamadali...
upang pagsapit ng gabi'y ika'y makaniig muli
paano na ang sofa at ang maliit na mesa
na siyang mga saksi sa ating pagiging isa?

paano kita ililibing Carlos?
Kung ang puso ko'y
Sa iyo pa ri'y nakagapos?


Author's Note:
Kagabi po nawasak ang regalo sa aking gitara...Carlos po ang pangalan niya. mahal ko siya kaya ako ngayo'y nagluluksa... salamat po sa inyong pakikiramay.

Comments

Mahiyain said…
Ang lahat ng bagay ay may hangganan, ang lahat ng tao ay may kakayanang tanggapin ang lahat ng dumarating na unos ngunit hinde lahat ng tao ay may lakas ng loob upang labanan ang kadilimang bumabalot sa maliwanag na ngiti sa mga puso. ito ay ang kalungkutan at pagka ulila. :)
Anonymous said…
salamat sa iyong pagdaan. mahirap po ang makipaglaban... lalo na kapag parang hindi naman ito natatapos. at iyon ang tunay na lakas ng loob ang magpatuloy kahit na ang wari'y wala itong kayapusan.