A Promise to Armando

"Yanie, Yanie...!" Hamahangos ang pinsan kong si Rona, halatang halata sa namumuti niyang mukha ang matinding pagkabahala... "Wag kang mabibigla... pero kailangan mong sumama sa akin sa funeraria, ang Kuya Jay mo, patay na, pinatay si Kuya Jay-jay!!!..."

Walang nagrehistro sa utak ko nang sinabi niya iyon. Naramdaman ko na lamang ang pagyakap sa akin ng napakalamig na hangin pagkarinig ko ng kanyang masamang balita. Parang biglang bumulaga sa akin ang mukha ni kamatayan... hawak hawak ang kanyang kalawit... Pilit kong inapuhap ang aking paghinga pagkarinig ko niyon, nanigas ang buo kong katawan. Hindi ko makalimutan ang sandaling nalaman kong pinaslang ang kuya ko... Kinse anyos pa lamang ako nuon. A-diyes ng Nobyembre.

Dalawang buwan pa lamang nang mag-pasyang mag abroad ang nanay ko,sa kagustuhang maitaguyod ang aming paga-aral. Lahat kami'y magko-kolehiyo na, at si mama lamang ang inaasahan para isagawa ang responsibilidad para kami'y paaralin.

Wala si mama. Wala rin ang ate ko na naga-aral sa Manila. Nang mga sandaling iyon, mag-isa kong tinanggap ang malagim na bangungot na kahit sa pag-gising ay naruon pa rin...

"Pinatay nila ang kuya mo, pinatay nila..." Paulit ulit na bumubulong sa aking utak ang mga nakakagimbal na katagang iyon, subalit pilit na itinatanggi nang kung anumang natitirang katinuan sa akin na "Hindi... hindi siya yun, hindi siya yun"
________________

Nanonood kami ng TV isang hapon kasama ng aking pamilya, ilang taon lang ang nakaraan. Ang palabas, SOCO, paborito itong panoorin ni mama at wala akong pasok ng mga oras na iyon kaya't sa unang pagkakataon napanood ko ang palagi niyang kine-kwentong SOCO na sa patalastas ko rin lang napapanood. Isang lalake ang pinatay, itinapon ang kanyang bangkay sa gilid ng bukiran, nabaril sa ulo, naka-posas ang kamay... Ayon sa imbestigasyon, isa raw na naman itong kaso ng salvaging... Pagkatapos kong panoorin ang palabas na iyon, di na ako iniwan ng pagkabalisa. At hanggang sa aking pagtulog sinamahan ako non.
________________

Naglalakad ako sa isang maalikabok na daan. Mga kuliglig ang nasasalubong ko. Ang tanda ko'y inutusan ako ni mama para bumili ng suka... Narinig kong may mga taong sumisigaw sa 'di kalayuan... "May pinatay, may pinatay!"Dali dali akong sumama sa grupo ng mga taong tumatakbo patungo sa lugar kung saan nandoon ang pinatay... At dun nakita ko ang
kuya ko... isang malamig na bangkay na ibinigti sa puno... tumingkad sa paningin ko ang asul niyang t-shirt, at siya'y nakaposas...

"Yanie... yanie..." nagising ako sa bahagyang pag-yugyog ng aking asawa sa aking balikat. "Umuungol ka, nananaginip ka na naman yata."

Matagal na akong hinahabol ng mga pangitaing iyon. Hindi ito ang unang beses na napanaginipan ko ang kuya ko... May gusto siyang ipahiwatig at alam ko yon, pero diko malaman kung paano ko uumpisahan.
________________
Kuya,
Marami akong dapat na singilin sayo... hindi ka pa dapat namatay. Gago ka eh, dapat nabigyan ka ng pagkakataong magbago, alam mo ba yon?!... Dimo man lang pinaramdam sa akin ang pagiging kuya mo... Ngayon, iiwanan mo akong may sama ng loob sayo? 'Di ka man lang nakabawi sa akin?!

Pero Kuya, eto ang pangako ko sayo... mananagot ang taong gumawa sayo nito... Ako ang sisingil sa kanila... Magbabayad sila...

Napakadami kong pagsisisi. Napaka iksi ng pagsasama namin ng kuya ko. Bumalik sa alaala ko nang nagkaroon ng matinding baha sa amin at ako'y kanyang kinarga sa kanyang likod upang itawid sa kabilang daan.

Napangiti ako sa butiking pasalubong niya sa akin na kanyang ipina-salo habang kami'y kumakain. Diko iyon nasalo kaya bumulagta sa harap ng lola ko at ito'y napatili sa gulat at kasunod nuo'y paglipad ng mga pinggan at pagkain sa ere. Naalala ko ang mga away namin halos araw-araw, ang mga pangsu-sutil niya sa akin hanggang umiyak ako ng dugo, dahil sabi nga nila long-playing... Long playing na naman ang iyak ko habang isinusulat ko sa isang yellow paper ang aking hinagpis sa kanyang paglisan. At pagkatapos ay palihim kong isinilid sa paanan ng kanyang kabaong ang aking liham... May pangako ako sa kuya ko, at tutuparin ko iyon.
________________

Sa pangatlong araw ng burol ng kuya ko dumating si mama galing abroad. At gaya ng inaasahan, ikamamatay ng isang ina ang anumang masamang pangyayari sa anak.

"Bumangon ka na diyan Jay-jay... eto na ang singsing mo o... diba pinabibili mo ito sa akin? ibigay mo na sa girlfriend mo kung gusto mo, isanla mo na kung gusto mo... bumalik ka na jay..." ang hinagpis ni mama...

Pinalitan namin ang suot ni kuya habang nakaburol. Ayaw daw niya ng nakabarong, hip-hop na metal kasi si kuya eh... ayaw niya ng baduy. Mahilig yun pumorma... Palibhasa heart throb sa mga kadalagahan. Natatandaan kong halos isang oras siyang paikot ikot sa salamin bago lumabas ng bahay.

Sa araw ng kanyang libing, halos panay mga kabataan ang naghatid sa kanya sa kanyang huling hantungan. Noon ko napagtanto na napakaraming naging kaibigan ng kuya ko. Napakarami niyang ka-tropa. Habang binabagtas namin ang daan mula simbahan patungong sementeryo, lahat ng tao'y napapalingon sa karro ni kuya... nagtataka... Paano nga nama'y ang tugtog, imbes na tugtog na pampatay, "November Rain" ng Guns and Roses, paborito niya kasi ang bandang ito. Rakenrol si kuya habang inililibing...

Nagkantahan ang mga tropa ng

"I'll be there for you
These five words I swear to you
When you breathe
I wanna be the air for you"

Kanta ni Bon Jovi, sinabayan ng pagbuhos ng ulan. At duon ko naintindihan kung gaano kalungkot ang ulan sa Nobyemre. Isang napakalungkot na reunion ng mga kaibigan ni kuya at ng pamilya.
________________

Labinlimang taon na ang lumipas matapos ang yugtong iyon ng buhay ko at ng pamilya namin. Nakapag move on na siguro ang bawat kaibigang dumalo sa libing na iyon. At kagaya ko, may mga anak na rin siguro sila. Ilang taong na nga ba dapat si Kuya ngayon? Kwarenta? Ilang anak na rin kaya meron siya? Sa ilang asawa?

Ipinangalan ko ang panganay kong anak kay kuya. Halos magkabirthday din kasi sila, si EJ August 31, si Kuya, August 30. At magkamukha pa.
________________

Nuon lamang isang linggo, habang ako'y abala sa paghahanap buhay, isang di ko kilalang tao ang lumapit sa akin.

"Ma'am kayo po ba si Ma'am Yanie" ang tanong nito.

"Ay oo, ako nga po" sagot ko.

"May nagpapabigay po sa inyo nito" At duo'y inabot niya sa akin ang isang sobre. Noon ko lamang ulit nakita ang ganuong klase ng sobre dahil may nakalimbag pa itong "air-mail par avion", tanda ko kasing ganito ang mga ginagamit kong sobre sa pagpapadala ng sulat noong di pa nauuso ang internet.

"Ay kanino ba galing ito 'nong?" tanong ko.

"Diko po alam eh... basta pinamimigay lang po sa inyo." Ang maikling sagot ng mama.

Binuksan ko ang sobre at nakita ko ang isang lumang papel. Bigla akong kinilabutan pagkakita ko ang linalaman ng sobre. Para akong nakakita ng isang multo kahit na di ako naniniwala dito, ako'y nahintakutan... Ang sulat ko kay Kuya.

"Paanong?" tanong ko sana sa mamang nag-abot subalit umalis na siya... Natanaw ko pa ang asul niyang damit pagka-liko niya sa kanto...
_______________

Madaling araw ayon sa mga nakasaksi, tatlong binatilyo ang pinulot gamit ang isang owner type jeep sa tabi ng Anthony's Bar. Ang bar na ito ay popular na tambayan ng mga binatilyo sa tuwing walang pasok. Nakilala ng isang bata ang driver ng jeep bilang si SPO Taguiam. Sa pagkakasalaysay ng bata, tumatanggi ang mga binatilyo habang pinapapasok sila sa sasakyan, subalit bigla ring natigilan ang mga ito nang may binunot ang kasama ng pulis sa kanyang tagiliran. Pakiwari ng bata ang binunot nito ay baril pero di niya ito nakita. Si SPO2 Taguiam ay kilala sa bayan na iyon bilang bodyguard ng isang prominenteng tao. At kinabukasan nga'y pumutok na ang balita. "Tatlong binatilyo, natagpuang patay"
________________

"Ilalabas niyo ba ang epektos o gusto niyo pang mahirapan???" Sigaw ni SPO Taguiam sa mga binatilyo habang nakaluhod ang mga ito at nakaposas ang mga kamay nang patalikod.

"Sir, dipo namin alam ang sinasabi niyo" Nanginginig na sagot ni Jojit. Di niya na namalayan ang suntok na dumapo sa mukha niya pagkasabi niya nito.

"Kinakausap ba kita? Anong hindi niyo alam, eh kayo ang nagsusuplay ng mga marijuana at shabu dito... Wag na kayong magkaila..."

"Sir, nagiinuman lang naman po kami, dipo kami nag sha shabu o nagma marijuana" Sagot ni Jay.

"Ayan... akala ko dika sasagot eh... Ikaw, ikaw ang dahilan kung bakit umalis si JD sa bahay ano, ikaw ba ang ipinagmamalaki niya? Ikaw ang bagong siyota niya ano?? Matagal na kitang minamanmanan... Mayabang ka eh..." Sinuntok nang sinuntok ang mukha neto. Di makapaglaban kahit gusto, pinaluhod at sinikmuraan

Sa kanyang natitirang lakas pilit niyang isinisagaw ang "P**** I**a ka!!! ginagahasa mo siya eh, tarantado ka!!! Kaya siya umalis sa inyo dahil demonyo ka!!!" Punong puno na ng dugo ang mukha ni Jay... Pilit kumakawala sa pagkakagapos upang ipagtanggol ang sarili, subalit wala siyang magawa... wala...

"Ako, tarantado?!, ito ang sayo gago!!!"

BANG!!!

Bumagsak ang katawan ni Jay sa lupa, una ang ulo, habang nakaluhod. Ang mga dugo mula sa kanyang sentido ay unti unting bumaha sa lupa. Nakadilat ang mata, na waring nagsasabing, tapos na...

"Iligpit mo na rin yang dalawa, baka kumanta pa yan. At pagkatapos tamnan mo na ng ebidensiya... palabasin mong pushers!"
_______________

Muli'y nagising na naman ako sa isang masamang panaginip. Pinunasan ko ang nanlalamig kong pawis... "Kuya...!" ang tangi kong naisigaw sa ilalim ng aking lalamunan ngunit walang boses na lumalabas.

Naramdaman ko ang pagkauhaw at duo'y pilit kong binangon ang sarili ko. Pinapakiramdaman ng paa ko ang aking tsinelas sa ilalim ng kama. Naramdaman ko ang malamig na semento sa aking talampakan ngunit bahagi neto ay isang banyagang bagay... hindi naman ito ang aking tsinelas, manipis, palagay ko'y isang papel. Ako'y lumuhod upang alamin kung ano iyon. At muli'y tumagaktak ang malalamig kong pawis nang makita kung ano ang nasa tabi ng aking tsinelas...

Kinabukasan ay ang paggising ko sa isang panibagong hamon... May pangako ako at kailangan ko iyong tuparin.

Comments